Monday, January 14, 2013

Be Positive!

Nag ring na ang alarm clock, cellular phone, ipod, at iPad ko ay hindi pa rin ako nagising. Pagtingin ko sa orasan ay laking gulat ko nang makita kong 8:30am na. Nag give-up na lahat ng alarms, at naka limang tracks na ang Radiohead sa aking iPad. In retrospect, hindi talaga magaling na panggising ang Radiohead, kaya kinabukasan ay pinalitan ko na ito ng Audioslave. Hindi ko nga pala alam kung may Audioslave pa ba nang bumalik ang Soundgarden.

Syempre hindi ako tumayo kaagad. Nagpalipas pa ako ng thirty minutes bago ko nakuhang tumayo. Hindi naman ako puyat, hindi rin ako pagod, ngunit talagang nakakatamad na tumayo. Kung pwede lang hindi na tumayo at pumasok kahit kailan. Kampante naman ako dahil isa lang ang nakaschedule na pasyente ngayong araw, at recently ay wala nang mga surprise patients na nagpapakita. Malungkot din ito in some respect-- namatay na recently ang mga toxic patients ko na pabalik-balik sa clinic o tawag nang tawag. Napansin ko na ang harbinger of death ay pag nakakaramdam na ako ng slight exasperation sa dami ng text at tawag ng pasyente, kaya pag nararamdaman ko na ito ay mas lalo na akong kinukutuban.

Hindi naman ito kagaya ng ibang araw na pagmulat pa lang ng mata ay ang una kong maiiisip ay, "shet, umaga na naman". Ganunpaman, hindi pa rin ako tumayo kaagad. Binuksan ko muna ang aking Zombie Cafe at nagluto ng Handburgers and Flies. Naisip ko bigla ang sinasabi ng aking mga actively positive-minded friends. "GOOD VIBES! ATTRACT GOOD VIBES IN THE MORNING!" ang laging sinasabi ni RBTDS. Ganito rin ang sinasabi ni Smoketh, na kailangan mo daw isipin at i-claim ang positive energy pag umaga para dumating ito sa yo. Kaya ang nasa isip ko habang tinitiis kong buhusan ang sarili ko ng malamig na malamig na tubig: "GOOD VIBES! GOOD VIBES!!!"

Pagdating ko sa ospital ay nakita kong medyo nagbabaha na sa corridor papuntang cancer institute. Hindi naman umulan, pero may tubig na umaagos palabas o papasok ng office namin at ng katabing Pulmo office. Naka barikada ang buong stretch na may tubig. Pero dahil feeling ako, naglakad pa rin ako sa basang sahig. Pagdating ko sa dulo ay sarado ang gate, kaya naglakad na naman ako pabalik sa basang sahig at umikot nang malayo para makarating sa CI. Medyo nabasa na ang paa ko, pero kako, hindi matitinag ng basang paa ang aking GOOD VIBES.

Atsaka pa lang ako nag-wonder kung bakit nga ba baha pagdating ko sa clinic. Tinanong ko ang mga guard, "manong, bakit baha doon sa may office namin?"

"Malaki yata yung tae. May nagbarang toilet bowl overnight, at sumabog ito. Lahat ng tubig na yan galing sa toilet bowl."

"Ganun po ba," sabi ko in total defeat.
Hindi magiging maganda ang araw na ito, inisip ko habang nagbabali ng ampule ng ondansetron.